6.14.2004

Tuscany

Huli na ito. I can't keep on delaying it. Ititigil ko na talaga dahil lagi na lang, sa tuwing magsusulat ako dito (for the past 3 entries), nararamdaman kong hindi na ako bagay dito. Ayoko nang makibagay.

Kahapon, napanood ko na rin sa wakas ang Under the Tuscan Sun. At nagpapasalamat akong kahapon ko lang napanood iyon, kahit totoong matagal na matagal ko nang gustong panoorin. Dapat ko palang ipagpasalamat na lagi na lang nauudlot.

Ang sarap umalis. Kaya siguro, malakas ang loob kong magpaalam ngayon. Sa film, sinabi ni Diane Lane, na nagulat siyang hindi niya ikinamatay 'yung divorce. May alingawngaw pa ng ganitong sentiment noong sinabi niya, sa dalawang lovers: "It will not kill you." At natawa ako sa pag-subvert nila ng linyang ito. Sasamahan rin pala niya ang dalawa sa pista (pista ba tawag nila doon?).

Two weeks ago, sabi ko, "mahal ito sa akin." Ngayon, naiisip ko, mahal nga ba, o dahil nasanay lang ako dito. Halos pareho ito noong tinanong ko sa sarili--nang minsang nasa library, may mababasang nakakatawa, lilingon, at maaalalang wala nga pala akong kasama noon--iyung pag-iisa, natututuhan ba iyon o nakasasanayan lang? At kahit natawa si egay sa kadramahan ng tanong na iyon, seryoso ako noon. At sineryoso ko rin ang pag-iisip ng sagot sa tanong ko. Naisip ko, nakasasanayan lang siguro, katulad ng maraming bagay. Dalawang buwan akong hindi nag-post dito. Mas naging porductive pa nga ako sa dalawang buwan na iyon. Totoong kumakain kasi sa oras itong pagbo-blog. (Pero baka dahil lang rin kasi summer, kaya mas marami akong nagawa). Hay, anu't ano man, hindi na ako bagay sa fruitbowl.

Pero natatawa ako sa nangyayari ngayon, from bramasole tapos heto naman, tuscany. Hay, ayoko na. Hindi na ako magpapaliwanag.

Kung maisipan ko mang gumawa ng ibang blog, saka na lang uli ako magpo-post. Pero por este momento, adios!

nikka @ 17:25

6.08.2004

Why Bother?

Kahapon, ito lagi ang umiikot na tanong sa isip ko. Siguro, dala na rin ng ilang bagay na kinainis ko nitong mga nagdaang araw.

Maaga akong pumasok kahapon, may kailangan akong panooring film para sa inersci. Pinanood nila ito noong absent ako. Ang pangit ng film, pero dahil estudyante lang ako at madaling mabibigyan ng 0.0 kung hindi susunod sa gawain, pinanood ko na rin. Natatawa na nga lang ako ngayon kapag naiisip na iyung umakyat rin sa IVR para panoorin ang parehong documentary film ay magiging ka-group/partner ko ilang minuto lang ang lilipas. Sa kasamaang palad, mas tahimik siya kaysa sa akin at mukhang mahihirapan kaming gawin ang project. Sino sa amin ang mauunang magsalita?

Pumunta akong UP after class. Binilisan ko kasi kailangan pang mag-lay-out sa icw. Sa jeep, tinanong ko si april kung may aabutan pa 'ko. 6pm na kasi, 5pm ang usapan. Tapos bigla, wala na akong load! Hay, kapag minamalas ka nga naman.. Pagdating sa icw, si sir tony lang ang nandoon. At parang natatawa na siya. Hindi ko rin siya masisi noon. Pangalawang beses na itong hindi ko inabutan sila badong. O well, lumabas ako, bumili ng load. Nasa dean's office pala sila.

Pagkauwi, ilang oras na rin ang nagdaan, nagpasalamat akong pumunta ko. Why bother? Why not? Siguro, hindi naman kawalan ang hindi ko pagpunta. Pero kailangan. Isa pa, natuwa rin naman ako kasi naiintindihan ko na kahit paano ang pagemaker. Sabi ko nga kay tabby kanina, ilang lay-out pa, kaya ko na! hahaha!

Speaking of tabby, pinasagutan niya ko kanina ng problem set sa algebra. Buti na lang at naalala ko pa konti iyung tinuro sa 'kin ni maita. Natuwa ako sa pagsagot sa kanila. Madrama man, at medyo cliche, naisip kong mabuti pa ang ganitong mga problema, laging may solusyon, puwedeng i-simplify, etc. Sige na, ayoko naman ng ganitong drama.

**

Kanina, sumagot na sa email si tita em. Magtatampo na sana ako (er, nagtampo na pala). Noon ko na nga lang sinabi sa iba ang mga plano ko sanang gawin... (end it!) Natuwa ako at naintindihan niya ang ibig kong sabihin. May mga suggestions pa siya na tumugma talaga sa napag-isipan ko na.

nikka @ 15:14

6.05.2004

Paliwanag

May mga kailangan akong gawin bago magawa ang isa pang kailangan. Bago ang lahat, kailangang mailapit ko ang sarili sa bagay na kailangang harapin. Paghahanda ito.

Lagi akong namamatayan ng ilaw. Malimit mangyaring mapundi ang isa sa mga poste ng ilaw na nilapitan ko. Hindi naman lahat ng poste ng ilaw. Pero malimit mangyari. Sa tuwing madadaan ako sa kanila, inaasahan ko nang may mapupundi. Tinigilan ko na ang pagtatanong kung bakit. Basta ganoon. Laging may bumibigay. At gaya ng sabi ni jay, may napupundi sa pagbibigay/ liwanag.

Madalas, sa tuwing sasakay ako ng tricycle sa Philcoa, at sasabihing sa malumanay po, namamali sila ng dinig at dinadala ako sa maliwanag. Siyempre, laging nauudlot iyon, kasi kapag naiba sila ng liko, itinatama ko na agad ang mali nilang narinig. Sa bahay, pinakinggan ko ang sarili, "malumanay, maliwanag, malumanay.." Malayo naman ang tunog ng dalawang salita. Bakit ganoon? Bakit maliwanag ang naririnig nila?

Kanina, nanood kami ng Harry Potter. Namatayan rin ng ilaw si Harry. At hindi naman maipagkakailang mga mahikang-maiilaw ang inaral niya sa pelikula. Opening pa lang, inaaral niya kung paano paiilawin ang wand niya. hehehe. Nakakatuwa. Talagang binabalik ako dito. Lagi na lang, kahit saan ako magpunta.. Sabi ko, mula ngayon, sisikapin kong pansinin lahat ng ilaw (hanggang kaya ko lang, siyempre). Kasi, baka iyon talaga ang punto kaya ako namamatayan ng ilaw. Maaaring nagpapapansin. Mas madali nga namang mapansin ang nariyan na biglang nawala. Iyon siguro, hinihiling lang na i-consider ko sila. Hindi dahil kailangan ko sila. Kundi dahil nandiyan sila. Waring pinahahaba ang umaga. Hmm, alingawngaw ito noong sinulat ko dati sa poste ng ilaw, "kalimutan mong ikaw ang araw.." Alam ko nang mali talaga ang linyang iyon. Hay, matagal na matagal na pala iyon. Pero heto, binabalikan ako.

nikka @ 10:45

6.01.2004

Matagal nang walang bago dito. At napapansin ko, kahit napaliligiran ako ng mga bago at kung anu-anong pagbabago, mukhang hindi na mababago ito. Ang malas ko! Pumasok ako kanina, kanina na lang uli matapos ang ilang araw ring pamamahinga sa bahay. Paglabas ng pinto, kinailangan kong mamili: payong o jacket? Ayokong dalhin pareho. Kailangan kong mamili. Jacket. Dahil sadyang napakalamig ng mga kuwarto dito sa la salle. Ayokong humarap sa hindi kailangang lamig. At naisip kong huling taon na talaga ito, sa susunod, pipiliin kong mag-aral sa school na hindi laging ipinagkakait ang sariwang hangin. Na may sariwang hangin at maraming acacia. Sige na, alam kong maraming higad sa acacia. Pero mas matitiis ko ang kati nila.

Paglabas ng MRT, lumakas ang hangin. Sa LRT, bumuhos na ang ulan. Nasa platform ako noon. Iniisip kong tama silang hindi ko pinaniniwalaan. Hindi nga pala masasabi kung uulan kahit kanina lang, kay araw-araw. Wala akong masabi para ipagtanggol ang ginawa kong pagpili kanina. Kahit sa sarili lang. Iniisip ko, nagawa kong maniwala na maraming bagay na maaaring dala ng hangin. Malay ako sa biglang paghihip ng lungkot, o saya na hindi naman magawang mapaliwanag. Bakit hindi ako naniwala? 20 taon sa ibabaw ng mundo, kanina ko lang sinimulang pagdudahan ng ganito ang panahon.

At hindi man lang ako pinatawid. Sandali lang ang ulan. Nakakainis! Mukhang binasa lang talaga ako. Kagagaling ko lang..

**
Kahapon, kinausap ako ni tabby. Nabasa niya ang mga pinagsusulat ko dito. Gusto kong matawa sa sinabi niya. I know you're keeping a blog, pero anong ginagawa ko dun? Sinong magbabasa ang hindi makakikilala sa akin? Hay! Hindi ko naman sinasadyang ilagay lahat ng mga sinulat o hindi ko sinulat dito. Siguro nga, may bahagi rin ng buhay ng ibang tao ang nabubulabog sa pagsusulat ko dito tungkol sa kanila. Hindi ko sinasadya. Hindi ko rin pinagsisisihan. Kung hindi ko isusulat ang mga ito, kahit sabihin na nating pinipigilan ko na ang sariling mauwi dito (sige, kahit madaan). Pakiramdam ko, ninanakaw ko mula sa sarili ang mga alaalang ito kung hindi ko sila ilalagay dito. fruitbowl. Mga prutas, mumunting alaala, damdamin, o ideya, na pinipitas ko habang naglalakad/nabubuhay dito sa mundo. Sige, sabihin nang maaaring may ibang kumain ng mga prutas na pinitas ko--silang mga hindi marunong gumalang sa pag-aari ng iba--pero isa ito sa mga bagay na itinatangi ko. Mahal sa akin.

Ang totoo, hindi ako sigurado kung napadaan lang ako ngayon o bumalik.