3.27.2004

Turkish March

Naisip ko kanina: magaling kang teacher kung nakaguguhit ka ng bilog sa bawat pagtatapos ng klase.

Teaching demo ko kanina. Nakakapagod. Paglabas ng klase, masyado akong drained. Pero fulfilling naman kaya hindi ko na masyadong ininda ang pagod. Kasalanan ko rin naman, pumili ako ng komplikadong teksto. Unang seryosong demo ko iyon, bakit ko ba pinahirapan ang sarili? Pero hindi, masaya naman talaga. Kakaibang saya. Pakiramdam ko, natuto rin ako sa pagtuturo sa kanila. Magaling kasi ang klase. Masuwerte si allan sa kanila. Ayun nga lang, hindi ko maiwasang mag-alala kapag nagiging blanko ang mga mukha nila. Nag-aalala ako kapag wala akong mabasa sa mga mukha. Hindi ko tuloy alam kung sapat na o kailangan ko pang i-expound 'yung sinasabi ko. Noon ko lang talaga naintindihan kung bakit natutuwa ang ilan kong guro kapag nangingiti ako sa sinasabi nila. Ngiti- isang tanda pala iyon na hinihintay nila.

Tama si sir baytan. Talagang minsan, gagawin mo lahat para makuha ang atensiyon ng klase. Bigla, kinailangan kong baguhin ang lesson plan ko (habang nagbibigay ng lecture) at magsingit ng dramatic reading. Kailangang malinaw ang nangyayari sa kuwento (Divide by Two). Kailangan nilang marinig ang mga dialogue kasi doon nagtatago ang kuwento. Parang drama kasi ang dating. Wala halos narration at wala rin sa kuwento ang mga iniisip ng narrator (na karaniwan sa 1st person point of view). Maraming wala sa kuwento. Paano nila makikita ang kuwento. Out of near desperation, sinabi ko: panoorin natin ang kuwento para mas maintindihan ito. At humingi ng apat na volunteers. Mukhang gumana naman. Mas naging masaya noong pinalitan namin ang mga pronouns.

From: "She doesn't like me...and she doesn't like anyone to like me. When he gave me flowers from her garden, I don’t think she liked that."

To: "You don't like me...and you don't like anyone to like me. When he gave me flowers from his wife's garden, I don't think you liked that."

Ngayon iniisip ko: kanina, I was asking too much. Literal iyon. Ang dami ko talagang tinatanong. Nung in-class demo ko kasi dati, sabi ni sir baytan, hindi ko hinahayaang sa studyante manggaling 'yung sagot. Inuunahan ko lagi. Kulang raw iyung mga pagtatanong ko kahit "seemingly" marami na sila. Idinahilan ko sa kaniyang ayokong magtanong kung obvious naman ang sagot. Pero necessary raw iyon. Kaso kanina, tingin ko, I was overdoing it (asking). Tapos ang bagal kong makabuwelo. Ang tagal-tagal namin sa first 4 pages. Nagulat nga si pat, tabby (observer ko kasi sila) at maging ako, na natapos ko ang kuwento na hindi kailangang mag-overtime. Nakakagulat talaga. Siguro, huminto sandali ang oras noon.

Balik tayo sa bilog. Natuwa ako nung demo kasi sinasalo ako ni allan kapag hindi ko na alam ang itatanong. Sinasalo rin niya kapag hindi naiintindihan ng klase ang tanong ko. Minsan kasi, rhetorical lang tapos minsan hindi. In short, medyo magulo. Hindi malinaw sa tono ng boses ko kung naghihintay ba ako ng sagot o tumatahimik lang sandali. Hay.. Hindi siguro ako nakagawa ng bilog kanina, at kung naging malinaw naman noong huli ang mga nasabi, dahil iyon sa mayroong nagdurugtong ng mga espasyong hindi ko kayang punan. Pero sa palagay ko, diamond lang ang naguhit ko kanina. Parang connect-the-dots kasi ang nangyari. Kanina, pagpag ako nang pagpag ng tension. Kumain kami ng spaghetti platter at nanood muna ako ng Invader Zim pagdating sa bahay. Ayan, mayamaya pa, malayo na ko sa mga nangyari. At bukas, studyante uli ako.

nikka @ 08:38

3.25.2004

Nine Lives

Naniniwala na akong magaling si Le Guin. Reporter ako kanina at kuwento niya ang napunta sa 'kin. Magaling siyang maglaro. Napapaisip tuloy ako sa mga sinasabi ng kuwento niya. Ganoon ba talaga tayo? Nananatili lang sa isang lugar o kasama ang mga piniling makasama, dahil kailangan natin sila? Malumanay pa nga ang tanong ko kung ikukumpara sa kuwento. Ang tamang attitude sa pagtatanong: Pinipili ba natin ang isang bagay/tao dahil may gamit sila sa 'tin? Dahil lang ba may gamit o nagagamit natin sila? Gamitan lang ba talaga? Ganito ba tayo ka-utilitarian? Hindi naman nagtangkang sumagot ang kuwento. Nag-iwan lang ito ng mga tanong na hindi naman talaga natin seseryosohin ang pag-iisip sa mga sagot. Siguro, ayaw naman talaga nating malaman ang mga sagot. Kung sa mga tanong pa lang natatakot na tayo..

Natuwa ako sa hindi lantarang paggamit ng pusa bilang metaphor sa kuwento. At habang nagrereport pakiramdam ko, para lang akong nagsasalaysay ng pagbubuhay-pusa namin dito sa la salle. I could not help being a cat here.

nikka @ 05:35

3.23.2004

Ako rin, minsan.

nikka @ 17:19

3.19.2004

Possession

Natuwa ako sa Carmen. Sinamahan ko si tabby na manood sa sta. lucia. Nasabi ko kasi noong minsan, na kapag wala na sa mega, sa sta. lu namin papanoorin. Maganda naman. Simple lang ang kuwento pero marami nang napakita tungkol sa pag-angkin. Iniisip ko tuloy kung bakit ba importante iyon? Inaangkin ba ang tao? Well, siguro. Naalala ko dati, dating-dati (gradeschool days), may best friend ako lagi. At iba-iba bawat taon. May tendency kasi silang maging possessive kaya nagiging mailap ako agad, lumalayo. Kaya naiintindihan ko 'yung ginawa ni Carmen. Isa pa, siemese hands (di ako sigurado sa term) tend to be possessive. Magaling ang paglalaro. Noong nakita na ni Carmen 'yung kamay, noon pa lang, alam na niyang papatayin siya nito (spoiler uli, sorry!). Pero sige lang, hinayaan pa rin. Tingin ko, napamahal na rin sa kanya 'yung lalaki. Yun nga lang, ayaw niyang magpaangkin.

Sa Pagtawid
Pag-uwi, tatlong jeep ang kailangan kong sakyan. Papuntang katipunan, UP, tapos philcoa. Ayoko sanang manood sa sta. lu noong una. Kasi natatakot ako sa mga nakakasabay ko sa jeep hanggang katipunan. Hmph, matapos nang ilan ding hold-up, ayoko na. Buti na lang may jeep na hanggang katipunan lang talaga. Natuwa naman ako kasi puro studyante ang nakasabay ko. Puwede na akong huminga. Pagbaba sa UP, nagulat ako nang may sumigaw "Masasagasaan ka." Lumingon ako, sa akin nakatingin ang babae. Lumingon ako sa kaliwa, napakalayo naman ng kotse. Pero binilisan ko na ang pagtawid at nagpasalamat sa ale. Napaisip ako noon, nakalimutan ko na naman bang tumawid? Hindi, hindi, pagod lang ito. Isa pa, magkaiba lang siguro kami ng pagtingin sa malapit.

Sinabayan na niya kong maglakad, philcoa rin pala siya pupunta. Nag-astang nanay naman siya na nag-aalaga ng bata habang naglalakad kami. "Hindi ka ba sanay umuwi ng ganito kagabi?" At kahit na sanay naman ako, sinabi ko nang hindi dahil mukhang iyon ang gusto niyang marinig. Hinayaan ko nang isipin niyang inaalagaan niya ko noon. O well.. Tapos nagkuwento siya tungkol sa cavite, sa flower shops nila, sa pagiging accountant niya, working student dati, sa dalawa niyang trabaho, boarding house at bahay nila, sa pagiging panganay niya. Wow, halos ilang dekada ng buhay niya ang sinasabi niya sa 'kin (sa napakaikling panahon). At iyun nga, habang inabot niya ang bayad sa jeep (nilibre rin niya ko, at awkward pa rin sa 'kin 'yun hanggang ngayon) at pagkukuwento sa mga dagat sa cebu, sinabi niya ang pangalan niya, tinanong ang akin at nakipagkamay. Pagdating sa philcoa, nagpaalam na siya sa 'kin. "Nakakatuwa naman, nagkaroon pa 'ko ng bagong kaibigan ngayon. It was nice meeting you, nikka." At nagawa ko lang kumaway. Hindi ko naalala ang pangalan niya.

nikka @ 09:06

3.18.2004

Karma

Ang bilis nang balik ng mga bagay-bagay kahapon. Umaga. Nag-usap kami ni Mama tungkol kay Eddie Gil. Sabi ko: hindi dapat siya ginagawang katatawanan kasi hindi natin masisisi ang isang tao kung medyo may topak siya. Kasalanan natin na siniseryoso natin sila.. Mayamaya pa, umalis na ko para pumasok sa school. Sa jeep, may nakasabay akong kakaiba. Mukha naman siyang mabait, kaya nung napatingin ako sa kanya, nginitian ko. Ilang segundo pa lang ang lumilipas, tumabi siya sa 'kin. Tapos kung anu-anong nilalabas sa bag niya. Kumuha ng ballpen at nagsulat sa shorts (babae siya). Bumubulong siya sa sarili. Tapos noong napansing hindi ko siya pinapansin, tinapakan niya ang nasa harap niya. Tapos tumayo uli, naghanap ng ibang matatabihan. Hay, ang bilis ng balik. Kakasabi ko lang na hindi masisisi ang isang tao kung may topak siya. Pero parang gusto ko siyang sisihin. Natatakot akong hindi nasisigurado kung bakit.

**

Pinag-usapan ang Road Not Taken ni Frost sa klase kanina. In-class teaching demo ng isa kong kaklase. Okay naman. At ayun nga, napag-usapan ang mga bagay na nawawala tuwing pumipili (kami na lang ni tabby ang nag-usap dito, hindi na naman binahagi sa klase). Pag-uwi, naalala ni tabby na manood ng Carmen, bumaba raw kami sa ortigas station. Noong nakikita na ang mega mula sa tren, sinilip na niya agad kung anong cinema ipapalabas. Hindi niya nakita (malabo rin naman kasi ang billboard) pero okay na raw iyon. Pag akyat sa sinehan, hinintay namin lumabas sa tv screen lahat nang ipapalabas sa araw na iyon. Wala na palang Carmen. Isang linggo lang ang tinagal sa sinehan. O well.. Pagbalik sa MRT, tinanong ko si tabby kung pinagsisisihan ba niyang bumaba kami sa mega. Araw-araw kasi siyang nanonood ng x-files ng 6pm (at binibiro ko pang patay na siya sa mundo ng mga oras na iyon, o mula pa lang 4pm kasi magmamadali na siyang umuwi). Hindi na niya aabutan ang x-files, wala pang Carmen. Hay.

nikka @ 13:16

3.17.2004

Benguet pala ang "strawberry capital" ng Pilipinas. Wow. Parang gusto kong pumunta doon. Kasi kapag iniisip ko ang mga bagay na nagpapasaya sa 'kin sa mundo, unang-una sa listahan ang "fresas." Noong nag-usap kami ni wasi at sinabi niya ang medyo nakakalungkot na balita, hindi ko na inaming nalungkot lang ako kasi nakita ko noong umaga ring iyon--pagbukas ko ng ref--na nangangalahati na lang ang strawberry jam. Pero inamin ko kay tabby: hindi ko kaya na nakikitang nauubos siya (personified na agad ang fresas). At wala siyang masabi kasi meron din siyang mga ganitong klaseng drama: Iniiwasan ko na ang kahit anong bagay na may "cookie monster." Tinatanggap ko nang wala na siya ('yung fave shirt niya na may cookie monster). At iyon raw ang pinagkaiba namin: tinatanggap niya, ikinalulungkot ko.

nikka @ 13:45

3.11.2004

Puwede na uli ako manghiram ng libro. Ang saya! Kaya kahapon, nanghiram na agad ako. At marami akong naalala sa mga binasa ko. Nakakalungkot. Ayoko na sanang maalala pa iyon. Bakit kasi pareho sila ng ugali. Parehong-pareho talaga. Kung ipinanganak siya nang panahong iyon, puwede nang isiping siya nga 'yun.

**
Ganito kami ni tabby: laging pinag-uusapan ang mga binabasa naming author (na nakaugalian nang pag binasa ng isa, di na babasahin ng isa, maliban na lang sa iilang authors) na parang andyan lang sila. Kanina, pinag-usapan naming bagay si Elizabeth Bishop at Robert Lowell. Opinyon lang naman namin iyon. Nasa tula kasi nila. Wala lang. Bagay. Kahit na lesbian si bishop.

nikka @ 13:40

3.08.2004

Noong binasa namin sa klase ang Ulysses ni Tennyson, natuwa ako sa ilang linya kaya bahagi na sila ng notebook ko ngayon. Heto sila:

I become a name;
For always roaming with a hungry heart
...
I am a part of all that I have met;
...
For ever and forever when I move.
How dull it is to pause, to make an end.
(Italics mine)

*
Medyo hindi ko lang gusto 'yung "how dull it is to pause." Tingin ko, kailangan naman nating timigil sandali. Importante iyon--mga pauses.

nikka @ 18:28

3.04.2004

malapit na.

nikka @ 22:26

3.03.2004

Nanood ako kahapon ng Something's Gotta Give. Hindi iyon ang gusto ko sanang panoorin. Pero dahil ako ang nagpapasama, well, i have to give in. At habang naglalakad papuntang cinema, napag-usapan kung ano kayang karugtong nung title. Ano kaya? Something's gotta give in? up? Wala naman, it was something to tease us (or, rather myself) para mas may excitement sa panonood ng film.

It's a funny movie. Sayang lang at iniwang ganoon si keanu. He was too sincere and in contrast to harry, he was CONSISTENT. Bakit hindi niya pinili iyon? (sorry, spoiler) Pero kunsabagay, age-wise, interest, etc. mas plausible na natapos nang ganoon ang pelikula.

Pero endangered specie na ang mga Consistent. O well, bias lang talaga ko. Si keanu iyon..

nikka @ 16:41

3.01.2004

Nitong mga araw ko talaga na-appreciate ang tula ni strand (keeping things whole). Malimit kasi, nahuhuli ko ang sariling natutuwa sa paglalakad. Minsan pa, binabanggit ko ang mga linya ni strand (sa sarili lang siyempre) habang naglalakad.

In a field
I am the absence
of field.
This is
always the case.
Wherever I am
I am what is missing.

When I walk
I part the air
and always
the air moves in
to fill the spaces
where my body's been.

We all have reasons
for moving.
I move
to keep things whole.


Noong binahagi ko 'to sa klase (sa pilitan, kasi required), sinabi kong pagmumuni ito kung paano maging buo. Paano ba talaga? Nitong mga araw lakad ako nang lakad. Hindi ko naman talaga alam kung saan ko gustong pumunta. Alam ko lang, kailangan kong maglakad. May ibang saya sa paglalakad. Isa pa, wala pa yata akong naririnig na nagsabing sawa na siyang maglakad. Maaaring pagod na, pero hindi sawa.