12.22.2003
Kailangan kong magpanggap kanina. Kinausap kasi ako ni megan (pinsan kong bata) habang nasa mines view, nasabi kong na-addict ako sa sushi, at nagreklamong ang mahal ng salmon sashimi. Narinig pala ni tita gigi. Kanina, nag-aya siyang kumain sa Japanese restaurant, nag-order ng ilang platter ng salmon sashimi at nilagay sa harap ko ang dalawa. Tapos nakangiting sinabi, di ba paborito mo iyan? Shux. Hindi ako si tabby. Pero since nandyan na, mahirap nang biguin ang ngiti ni tita, napilitan akong kainin. At kailangan mukhang nageenjoy ako sa pagkain. Buti na lang, walang after taste 'yung salmon doon. Kung hindi, baka nahirapan akong magmukhang nageenjoy. Pero nakakatuwa si tita gigi. Nakinig pala siya. Palagi ko na nga siyang nahuhuling pinapansin ako. Lihim siyang nakikinig kapag nag-uusap kami ng mga pinsan ko, kapag nasa telepono ako, kahit kapag tahimik lang ako (nakikinig sa katahimikan ko?). Kaya pala kahit hindi kami gaanong nag-uusap, parang kilalang-kilala pa rin niya ako. Kung tutuusin, madali rin naman kasi akong basahin. Saka lumaki akong kasama niya sa bahay ni mommy (tawag ko sa lola ko sa mother side. Nahawa kay tita na mommy ang tawag). Tapos hinahatid niya ko dati sa school, kasama ko rin siyang magsimba dati at malimit na pinapagalitan ako kasi ayokong kumanta. Matagal na nga pala iyon pero hindi naman ako gaanong nagbago. Tahimik pa rin ako.
12.15.2003
Noong isang araw pa ko lubusang natutuwa sa ilang mga tao. Nakakagulat talaga. Kagabi, nanaginip ako. Kakaiba. Nag-aaral raw akong tumugtog ng violin. Tapos may boses sa likod, Aminor-Dmajor-Csharp. Nikka, diinan mo pa ang pagtugtog. Mas madiin. Ang hina ng tunog. Magalit ka. Magalit ka. Tapos ngumiti lang ako at nagising na. Kakaiba talaga.
12.09.2003
matapos mabasa ang blog ni yol, nasulat ko ito:
Problema ng Pag-uulit o Mga Pagmumuni-muni sa Sigaw
"There is no need to know what the man in the picture was afraid of. He is a personification of fear, his whole body is bent by it, and his cry carries it across the landscape." ~ Edith Hoffman
Taliwas sa sinabi ni Hoffman, narito tayo para isipin kung ano nga ang isinigaw ng tao sa painting ni Edvard Munch. Isang tao na nakalagay ang mga kamay sa magkabilang pisngi, nakabukas ang bibig, anyong sumisigaw, mukhang wala siyang buto (at buhok) at napaliligiran siya ng mga linyang kinukuha ang hubog ng kaniyang mga sigaw. O ng mga nakarinig ng kaniyang sigaw. Layon ng papel na ito na magmuni-muni sa kung ano ang panahong kinabibilangan natin ngayon sa pamamagitan ng taong sumisigaw ni Edvard Munch. Hindi magiging seryoso ang talakayan. At hindi rin masyadong magiging malinaw ang lahat pagkatapos. Layon ng papel na ito na seryosohin ang mga bagay na hindi natin gaanong pinapansin. Isa itong parangal sa mga bagay na isinasantabi.
Ginawa ang papel na ito nang naaayon sa panahon natin ngayon. Hindi klaro ang totoo sa gawa-gawa lang sa papel na ito. Hindi rin malinaw kung ano ang seryoso sa komiko. Ganito naman ang panahon natin ngayon--magulo. Hindi malinaw ang mga hanggahan. Sa papel na ito, pakikinggan natin ang sigaw ng likha ni Munch. At kung sakaling hindi natin nakayang maintindihan ito, ang mas mahalaga'y nakinig tayo. Kung kinakailangan nating sumigaw para maintindihan ang sigaw sa gawa ni Munch, sisigaw tayo. Naglalahad lang tayo ng mga posibilidad rito. Nakikinig sa sumisigaw ng pagbabago.
Ang Bigong Interview
Matagal na siyang ipininta ni Munch. Nananatili siya sa kaniyang posisyon. Mahigit isang daang taon na rin ang lumipas. Usisain natin siya ngayon.
Ano ba ang iyong isinisigaw?
Ahhhhhhh...
Saan ka natatakot?
Ahhhhhhh... (umaalingawngaw ang kaniyang sigaw, bumabalik ang tinig)
Hindi ka ba napapagod?
Ahhhhhhh...
Mga Haka-haka: Deconstruction ng The Cry ni Munch
Mukhang wala tayong mapapala sa interview na ito. I-deconstruct na lang natin ang kaniyang sinabi. Ahhh.. maaaring may alam siya na hindi natin alam. Karaniwan natin itong naririnig, Ah! Ganoon pala.., kapag may naintindihan tayong bigla na matagal nang binubuno sa isip. Nagtapos siya sa Ahh, wala nang "ganoon pala". O baka naman, tinanggal na ang "ganoon pala" o anumang panumbas sa mga katagang iyon para maging unibersal. Hindi nga naman kabilang sa kahit anong lenggwahe ang Ahh. Basta naiintindihan lang ito ng lahat. Isa itong tunog (a sound that connects). Hindi salita. Isang tunog na maraming maaaring ipakahulugan.
Ahhh.. Ganito rin ang tunog ng sakit. Ganito ang tunog ng ungol ng mga nasasaktan. O dumaranas ng matinding sakit. Ang mga tanong: nasasaktan kaya siya? Ano ang nagpapasakit sa kaniya? Sino ang nananakit? Kaalaman ba? Marami pa talaga tayong dapat gawing pag-aaral para maintindihan siya. Kakaiba. Matagal na kasi siyang sumisigaw. Hindi kaya siya napapaos? O paos na ba siya kaya hindi natin naririnig ang sigaw niya? Nalalama lang nating sumisigaw siya kung titingnan natin siya. Iyung nasa paligid lang niya ang hindi naging bingi sa kaniyang mga sigaw. Palaging naroon ang mga linya. Tanda ng pagkabagabag (marahil, pagkabagabag ng lugar sa hindi tumigil-tigil na sigaw).
Maaaring nagbibigay siya ng babala. Sa halip na sabihing: look out, mag-ingat, o quidado, kaya't nauwi siya sa pagsigaw. Ahhhhh... Baka may nakita siyang pangitain. Ala Angel of History ni Benjamin:
This is how one pictures the angel of history. His face is turned toward the past. Where we perceive a chain of events, he sees one single catastrophe which keeps piling wreckage and hurls it in front of his feet. The angel would like to stay, awaken the dead, and make whole what has been smashed. But a storm is blowing in from Paradise; it has got caught in his wings with such a violence that the angel can no longer close them. The storm irresistibly propels him into the future to which his back is turned, while the pile of debris before him grows skyward.
--Walter Benjamin, "Theses on the Philosophy of History," IX (Forsche, 1994)
Tama. Katulad ng angel of history, maaaring binabalaan niya tayo. Pero saan? Sa mga bagay na nilimot na’t nagtambak sa mundo natin? Baka nakikita niyang natatambakan na tayo? Maaari ring nakikita niyang umuulit na tayo. Ito naman ang kinakatakot ng lahat--ang umulit. Lahat gustong maging orihinal. Pero nagawa na atang lahat. Sa pananamit halimbawa, binalik natin ang belly-buttons at 70's look na masisikip ang pantaas at maluluwang ang salawal. Hindi orihinal. Inulit lang ang ginawa na ng naunang dekada. Sa mga kanta, usong-uso pa rin ang mga revivals. At paulit-ulit ini-rerevive ang mga kanta na para bang sila (mga kanta) ang kailangang i-revive at hindi ang industriya mismo ng musika o ang paraan mismo ng pagkanta. Iilan lang iyan sa mga bagay na inulit natin. Ni wala ata tayong maipagmamalaking imbensiyon. Ani nga ni Derrida, "a copy can never be an invention" (310).
Gaano tayo kamalay sa pag-uulit na ito? Palagi nating iniiwasang umulit. Halimbawa'y nagkamali, ginagawa natin lahat para hindi maulit ang pagkakamaling iyon. Paano kung ang lahat ng pag-iwas, variation rin pala ng mali? Hindi ba, pag-uulit rin iyon? Pero ayaw nga natin ng pag-uulit. Pinatunayan ito sa atin ni Louise Glück nang sinabi niyang sa bawat librong inilabas niya, sinubukan niyang gumamit ng iba't ibang taktika--para hindi makahon. "I see in this gesture (pagpipilit maiba) the child I was, unwilling to speak if to speak meant to repeat myself" (18).
Tayo, nakahon na ba tayo ng ating pag-uulit?
12.03.2003
Umiral ang pagkadirektor ni tabby kahapon. Nakakapagod. Hindi ko naman kasi alam na ako pala ang aarte. At hindi ko alam na arte lang pala. Seryosong-seryoso pa naman ako. Wala na tuloy akong nagawa pagkatapos ng klase. Sayang. Pero puwede na rin siguro. Mabuti na ring naayos na ang ilang bagay.
Nakakatuwang isipin kung paano ako nakaligtas kahapon. Ang dahilan: iilang magandang linya (mula sa isang sulat) na nag-udyok sa kaniyang magsulat rin. At alam ko namang napatawad lang ako dahil nakaisip siya ng isang magandang linya. Dahil lang sa isang linya. Pambihira talaga. Ibiniro pang dapat raw nag-aaway kami ng ganito paminsan-minsan. Para sa mga linya. Hay.. Sa susunod, hindi na ako kakagad sa pain. Aba, sobrang nakakapagod. Nakatulog ako agad pagdating sa bahay kagabi.
*
Pinayuhan akong mag-cut na lang ngayon. Isa lang naman kasi ang klase ko. Pero pumasok ako. Hindi ko nga alam kung pagsisisihan ko talaga ang pagpasok. Katulad ng inaasahan, wala namang nangyari. Wala namang ginawa sa klase. Mas mahaba pa nga ang biyahe (isang oras lang kasi ang klase). Kung may mahihiram akong magandang libro sa lib mamaya, baka hindi ko naman masyadong pagsisihang pumasok pa ako ngayon.
12.01.2003
"After all these years I have observed that beauty, like happiness, is frequent. A day does not pass when we are not, for an instant, in paradise." ~Borges
Sa linyang ito, minahal ko si Borges. At sumasang-ayon ako sa sinabi niya. Marami akong iniwan noong magsimula ang taon. Kagabi, naisip kong kailangan ko sigurong bumalik kaunti. At ayusin ang ilang bagay. Aayusin lang. Baka hindi na maaaring bumalik nang tuluyan. Hindi ko ikinakailang marunong-runong na akong sumaya ngayon. Ayokong magbago iyon. Ayokong bumalik ang mga araw na hanggang tawa lang ako. Kasi hindi lang naman tunog ang tawa, hindi ba?
Kagabi ko lang naalala ang ilang bagay. Masaya rin palang makaalala. At oo, nabulag nga ako. Marami akong hindi nakita noon. Mabilis kasi ang mga pangyayari. Hindi ko naintindihan sa bilis. Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw sa 'kin. Kagabi, nakaalala lang ako. Hindi nabibigyang linaw ang mga bagay sa pag-alala. Natatawa na nga ako ngayon sa tuwing maaalala na sinabi kong hindi ko kilala ang galit kaya natatalo ako nito. Natalo nga pala ako. Hindi ko kasi naiintindihan. Pero naisip ko, hindi ko pa rin naman naiintindihan hanggang ngayon. Bakit okay na sa aking hindi? Oo nga naman. Bakit okay na? Bakit tinatanggap ko na? Nakakagulat na manggagaling sa akin ito, pero hindi ko naman siguro kailangang maintindihan ang mga nangyari. Sapat nang alam kong matagal na iyon, na malayo na ako doon.
Kagabi, naisip ko, kaya ko nang harapin ang mga pinagpaliban. At pag-usapan ang mga bagay na tinakasan. Maaayos pa naman siguro. At sana, sana maayos pa. Ayoko ng ganitong nanghihinayang.
*
Marami palang nakanood ng Under the Tuscan Sun. Nabanggit na ito sa advwrit at may iilan rin akong mga kaklase na nakanood. Noong isang araw, nabanggit rin ito ni sir vim sa lecture niya. Nabanggit lang. Hindi naman kasi tungkol doon ang lecture. Pero nalungkot akong binanggit pa niya. Kinakalimutan ko na ngang pinagpalit ko sa matrix (na mat-rith raw ang pronunciation ayon sa teacher ko sa spanish) iyon. Hay.. okay lang. Mapapanood ko rin iyon.
*
Puwede nga kayang mangyari iyon? Na magigising ang nahihimbing na (pero hindi naman maiinis sa pagkagising) kasi may nag-iisip sa kaniya. Nagtataka lang ako. Posible nga kaya? Ang ibig kong sabihin, sa tuwing iisipin natin ang isang bagay, tao, o alaala, maaaring nagpapadala tayo ng mga vibes sa bagay, tao, o alaalang iyon. Posible nga kayang umabot ang mga vibes na iyon sa subconscious (pinapalagay na natutulog ang object/subject/alaala). Ang galing! Mahirap na nga palang sukatin sa ngayon ang espasyo. Naalala ko tuloy iyung nanalo sa metropop. Malayo man, malapit din. Natatawa nga ako kay mama. Ayaw kasi niyang maniwala sa aking maganda ang kanta. Malabo daw. Paano raw ang malayo e malapit rin? Ngumiti na lang ako. Anong isasagot ko doon? Paano ba sinusukat ang layo? Naalala ko tuloy iyung compass sa valediction ni john donne.
from pomegranates to pelletierine
March 2004February 2004
January 2004
December 2003
November 2003
October 2003
September 2003
quotable fruit
"Perfection is terrible. It cannot have children."
-Sylvia Plath
links
highchairtinig
learn spanish
filmspotting
blogs i read
catukayoellipsesparenthesis
kalyekundiman
moonsandeggs
patatasproject
realkicks
ensalada de fruta
| Powered by TagBoard Message Board |
credits
designed by : w4rnawarni