11.28.2003

Puwede ko nang isiksik sa isang buwan lahat ng ginawa ko nitong linggo. Salamat naman at natapos rin. Gusto ko nang matulog. Marami na akong utang na tulog sa sarili. Hala, ibig sabihin, manghihina ako sa mga susunod na araw. Ganoon naman palagi. Kung kailan ka nagpapahinga, doon mo nararamdaman ang pagod. Na para bang habang natutulog, lalo kang inaantok. At sa paggising, mas masakit pa ang ulo mo kaysa noong bago ka humiga. Kakaiba. Pero ganoon talaga.

nikka @ 12:31

11.24.2003

Bigla na lang akong natutong gumamit ng chopsticks. Hindi ko alam kung paano, basta noong naisipan kong umorder ng sushi nung Wednesday (habang naghihintay sa mga vcd na binili sa filmspotting), natuto ako. Kakaiba. Pero noong nakita ko iyung mga konting kanin, nori, mangga, at hipon, alam kong kailangan kong matuto. Ganoon pala, hahawakan lang ang chopsticks na para ring humahawak ng ballpen, o kung anumang panulat. Madali lang pala. At natakot pa raw ako noon sa chopsticks.

Ayan, naaaddict na ako sa sushi. Ano bang mayroon sa kanila? Naalala ko tuloy noong naglalakad kami sa mega nila beng pagkatapos ng poetry reading nung friday. Medyo malungkot kasi siya noon. Halika, may ituturo kami sa 'yo ni tabby. Happy pills namin. (mga sylvannas iyon) Tapos, pagdating namin, wala na ang stall. Aw, paano na tayo sasaya niyan? At nauwi kami sa pagkain ng sushi.

Gusto ko sanang ganoon na lang palagi. Sa platter kasi, napupunta sa akin lahat ng california maki, kay tabby lahat ng salmon. Sana palaging ganoon. Sana palaging magkaiba kami ng gusto. Mahirap kasi kung magkapareho. Kung nagkataon, mag-aagawan kami. Kahapon, muntik na akong maniwalang may isang bagay na pareho naming gusto. At kahit anong gawin ko to address that, wala rin. Naisip ko, ano iyon? Damned if I do, damned if I don't? Hindi ko ata kaya. Kasi tama siya. How do we write, nikka? Hindi ko kayang magsulat ng ako lang. Siyempre ako lang naman talaga ang nagsusulat sa tuwing nagsusulat ako. Pero bago ako magsulat, kailangan kong may makausap. Kailangan ko iyon para mabawasan ang mga bagay na umaalingawngaw sa isip ko. Paano ako magsusulat kung masyadong maingay?

Kanina, paggising ko, sabi ko'y mananahimik na ako. Masyado na kasi akong maingay. Masyadong maraming umiikot sa isip ko kaya kahit hindi ako nagsasalita, dama ko ang ingay. Ang ingay-ingay. Pero alam ko, isang matinong kausap lang ang katapat niyan. Tapos, magkukulong na ako sa kuwarto para magsulat.

nikka @ 17:41

11.20.2003

A stranger is a safe place to be. Sinabi ko iyan kahapon habang nasa greenbelt at naghihintay. Ngayon dapat mag-uumpisa ang araw ng mga "mukha," mga araw na hindi na maaaring maging sigurado sa kahit ano. Laging "mukhang" uulan, o "mukhang" hindi naman.

Mukha sigurong hindi matutuloy iyon. Ngayon, kanina, kahapon pa lang, alam ko na. A stranger could be a safe place to be. Meaning, maaaring oo, maaaring hindi. Maaaring mukha lang.

nikka @ 16:22

11.14.2003

Napakaraming nagtext sa akin kahapon. Nakakagulat. Anong meron? Nalaman siguro nilang kakaload ko lang noong isang araw. I read your blog. Tamang tama. Kahapon na medyo nag-aalangan na akong magpost ng message dito kasi may mga nagbabasang ayaw magpakilala--at hindi ko alam kung okay lang sa 'king nababasa nila. O kung isa ba sila sa mga taong ayokong makabasa nito. Pero wala naman akong magagawa kung magpipilit silang basahin ito. Kahit lack of ethics na iyon. Wala akong magagawa sa mga taong walang ethics. How does one deal with them?

Umalis na ko ng friendster 2 weeks ago. Hindi naman ako bagay doon (at hindi maniniwala ang mga pinsan ko kung sasabihin kong nasa friendster ako). Pero napipilitan akong pumunta-punta minsan dahil kailangang magconfirm sa mga request. Paano hihindian ang mga iyon? Kahit na ba umalis na ko, hindi ko mapigilang hindi bumalik para sa kanila. Kaya siguro nahirapan ako noong sabado, noong hiniling nilang/niyang pumunta ako sa isang event kasi pupunta sila/siya. Masusubukan talaga kung gaano sila/siya kalakas sa akin. Magkakasubukan na nga.

Kahapon, hindi ko sinasadyang hindi pumunta sa sunken. Gusto ko talaga. Kailangan ko ring magpahangin. Marunong rin pala akong humindi. Pero ang hirap. Mahirap hindian ang mga minsan lang humiling. Pasensya na, hindi ko sinasadyang maging busy.

Nagparamdam kahapon ang mga kaibigan ko. Alam kaya nilang kahapon ko rin ginawa ang essay namin sa spanish na Mis Amigos? Nakalimutan ko ngang isulat: quiero son. Pero alam naman na nila iyon.

nikka @ 15:56

11.12.2003

Welcome to De La Salle Villa, guaranteed to have ghosts. Ganito ako binati sa unang araw ko doon. Pero wala namang multo. Iyon nga lang, palaging naglolock iyung pinto ng kuwarto namin. Dalawang beses tuloy kinailangang umakyat ni tabby sa balcony at pumasok sa bintana. Acrobatic act. Pero mababa lang naman ang balcony, kahit ako'y nakaakyat-baba doon para pumitas ng wishi-wishi.

*
Ano na bang pinagkakaabalahan ng mga kabataan ngayon? Isang tanong na medyo nahirapan rin akong sagutin. Darwin, (kaklase naming makulit at mid 20's na siguro) boring kami. Wala na kaming ginawa kundi maghanap ng mga libro, maghanap ng mga movies, at maghanap ng mga kaibigan. Ganito: palagi lang kaming naghahanap. Ikinagulat pa niyang nadelay kami ng isang taon. At bakit? Priority. Loca kayong mga bata kayo. Anong priority iyon, aber? Tumawa na lang kami. Happiness is a priority.

*
Mabait si grace. Bestfriend ni ms marj at minsan na ring naimbitahan sa klase. Hindi kasi siya makakapunta sa workshop kaya nagpahiram na lang siya ng libro ni mary oliver. Ako ang nag-uwi ng libro. Natuwa kasi akong basahin siya habang nasa balcony, sofa, kama, kahit pagkatapos kumain (at wala na kaming ginawa doon kundi kumain. 6x kami kumakain) kaya hindi na nakita ng iba naming kaklase ang libro. :)

*
Hindi ako makapaniwalang siya si pete lacaba. Ibang iba sa sinabi ni jay o dai. Hindi siya tahimik. Hindi siya better read. Sa totoo lang, nagpapasalamat akong nandoon siya bilang panelist. Magaling siyang magbasa. Magaling. Hindi ko alam kung anong mangyayari kung wala siya doon. Kaya medyo pinagsisisihan ko na hindi ko siya nilapitan sa small group discussion. Kung bakit ba kasi hindi kami sa kaniya nakatoka. Pero nagpapasalamat ako kay ms marj noon. Kung paano niya kami dinala sa balcony dahil mukhang hindi kami natutuwa kay tony. Sunset na, would you like to see it? Salamat at alam niyang may mga bagay na mas maraming maituturo sa amin. Kagaya noong sisikat para lumubog, o lumulubog para sumikat. Kayganda niya noon. Liwanag na hindi gaanong maliwanag dahil sa hamog. Liwanag na halos kainin na ng bundok. Naalala ko tuloy iyung sinabi ni dai noong nasa baguio sila, matutuwa raw ako doon kasi ang sarap-sarap magpaaraw. Siguro nga. Sa tagaytay lang kasi, parang gusto ko nang magbabad sa araw (kaya lang hindi puwede kasi kailangang pag-usapan ang mga kuwento't tula. Katulad lang noong isang taon, kung paanong hinahabol-habol ko ang ulan. At kung paanong umuulan kapag discussion at tumitila kapag nakatayo ako't naghihintay.)--sa baguio pa kaya. Doon na mas malamig, mas masarap magpaaraw. :)

*
Mga bulaklak naman ang iniuwi namin para sa kaniya ngayon. Natatawa pa rin ako sa tuwing maaalala na pinagkuwento namin ang mga dahon noong kaisa-isang beses na hindi kami makakapunta. Mga dahon para sa isang araw na hindi namin siya makikita. Hindi ako kambing. Hay, hindi lang naman kambing ang natutuwa sa mga dahon. Ngayon, bulaklak naman. Sana'y alam niyang sa tatlong araw namin doon, wala kaming inisip kung hindi siya. Naguguilty pa rin ako dahil alam kong magtatampo iyon. Sana hindi na niya malaman.. Kaya nga hindi na namin nilapitan si pete.

Muntik na akong maiwan sa kakukuha ng mga bulaklak. Hinawakan ko sila buong biyahe pauwing manila. Huwag kayong mabubulok, ha? Pero hindi naman nakinig, kanina lang paggising ko, nangingitim na ang ilang talulot. Pero okay lang, dapat masanay ako sa mga hindi nakikinig sa pakiusap. Dapat talaga mas matagal kami sa tagaytay. Nakakatawa ngang isiping pabalik-balik kami sa bible discussion room at sa kuwarto namin para humiram ng mga bible. Itinakas namin sila habang tumatakbo't tumatawa. Isang buong shelf ang tinakas namin noon para sa mga bulaklak. Flowers, be pressed. Kulang talaga sa oras. Pero may isang nakinig. Maganda ang pagkakaipit.

Noong nasa sasakyan na, habang nakatingin sa mga bulaklak na hindi namin napitas at hinding hindi maiuuwi, naisip ko: sana naglakad-lakad kami sa labas ng villa, baka sakaling naiuwi namin sa kaniya ang buong tagaytay. Gusto kong iuwi sa kaniya ang maraming bagay. Masaya kong hinawakan ang mga bulaklak na parang bang namumulaklak pa sila sa mga kamay ko. Sana kaya niyang matuwa ng ganoon--kahit ganoon lang. Mahirap kasi ang tumatanda..

nikka @ 14:52

11.06.2003

I'm saving happy things. Kagabi, pinanood ko na iyung isa. It's a film on jealousy, adapted from Graham Greene's novel. Writer ang main character and he asks "What can one write about happiness." So the movie starts with: This is a diary of hate.

The movie makes one think--what are we jealous of?

*
This morning, I was jealous of the rain, of water, and of a faded fish.

nikka @ 10:03

11.04.2003

Kagabi, gusto ko lang manahimik. Pakiramdam ko'y katatapos ko lang magbasa ng magandang libro o manood ng isang artfilm. Kakaiba. Wala naman kasi akong ginawa. Ngayon? Heto, nagpopost na naman. Gusto kitang sisihin kung bakit nag-iisip ako ng mga bagay tungkol sa sugat ngayon. Paano nga ba ako nasugatan? Matagal na rin akong hindi nagkakasugat. Naaalala ko ang sugat sa kulay ng gamot ko--orange, kahel. Hanggang ngayo'y hindi ko pa rin matandaan ang pangalan ng gamot na iyon. Naalala ko lang, mahapdi. At kahit ilang beses ko pang hipan, o kahit tulungan pa ako ng pinsan kong si Kath sa paghihip, hindi naman gumagaan ang hapdi. May kakayahan ba itong gumaan? May mga antas ba ang hapdi? Wala siguro.

Nasanay akong hindi ko kasalanan ang mga sugat ko. Para tuloy hindi sila akin. Sa tuwing masusugatan kasi ako dati, pinapagalitan ni mama ang mga pinsan ko. Kasalanan ni ganito kasi hinabol niya ko, o kasalanan ni ano kasi masyadong mabilis ang laro. Pero hindi naman kontrolado ang bilis o bagal sa paglalaro. Saka hindi nila kasalanang nasugatan ako, o na hindi kaagad gumagaling ang mga sugat ko. Hindi sila ang dapat sisihin kung mabilis akong masugatan, kung palagi akong nadadapa, kung naiiyak ako sa hapdi ng kahel na gamot. Iyon ang pagkakakilala ko sa sugat. Minsan, iniisip ko, kulang ang pagkakakilala ko kasi I was never held responsible for my wounds. Nito na lang tumanda na ako, pero hindi na kasi ako gaanong nasusugatan ngayon.

*

Dapat nagbabasa na ako ng Amsterdam ngayon para sa klase. Nakakatuwa si Ma'am Doods, sabi niya last week: Ano bang gagawin natin sa Amsterdam? Paper? Siyempre umiling kami. No, that would be too boring. Nakangiti na kami. What are we to do with this novel then? Ah, alam ko na--we enjoy it. :) Sa isip-isip ko, 'yan ang bona fide lit teacher.

nikka @ 15:50

11.03.2003

Isa ito sa mga bagay na hindi ko inaasahan: liham sa kaibigang nilimot ko na. At siyempre ang laman ng liham, This is just to say I miss you na. You're one of the better friends I've had in college and I'm planning to keep you, so I'm checking how you are. Nakakainis! Madadala na naman ako sa ganoon. Pero ilang hapon rin ang inubos namin sa kape, mga tula, mga kuwento. Oo, sayang nga. Hindi naman ako ang bumitaw. Ako ba?

Nitong linggo, may mga bagay akong nalaman tungkol sa sarili: matampuhin nga pala ako. Ayan, maaaring isiping nagtatampo lang ako. Siguro nga. Matagal na kasing naiwan iyon, nilimot na, tapos babalik na naman nang ganito-ganito lang. Hindi naibabalik lahat sa isang liham, sa isang lunch. Napakahirap lumimot tapos hihilingin lang na kalimutan ko ang pagkalimot ko. Magulo ba? Sana hindi ko pagsisihan kung pipiliin kong makaalala uli ngayon. Nawawalan na rin naman ako ng mga kasamang magkape.

nikka @ 16:16

11.01.2003

Nakatakda naman talagang dadalaw ngayon. Kaya dinala ko na ang mga kailangan kong basahin para sa klase. Kung bakit ba naman kasi post-midterms namin ngayon, ngayon pa, habang lahat, masayang-masayang nagbabakasyon. Kaya nagbasa ako habang nagkukuwentuhan ang lahat. Ayoko rin sana. Siyempre, nakakahiya. Noon na nga lang magkikita, magbabasa pa ako. Pero kailangan lang talaga, naiintindihan naman nila iyon. Tumigil ako nung wala ng araw. Ayokong sirain pa ang mga mata ko.

Noon lang ako dumungaw sa baba. Maraming tao pero hindi kasing dami noong nakaraang taon. Nakipagkuwentuhan na rin ako sa mga pinsan ko. Ilang beses nasamid si lalay. Hindi na kasi siya sanay sa 'kin. O siguro'y nakalimutan kong hindi ko siya dapat patawanin habang kumakain. :)

Ayokong ilibing sa lupa. Sabi ko kay lay, gusto kong macremate. I would like to be eaten by the sun, or by something like it. Ngayon kasi, ni hindi ko kayang hawakan ang mga bagay na hindi gaanong mainit--napapaso pa rin ako. Hindi ko naman talaga kaya ang init. Ibinilin ko ring itapon ang mga abo ko sa dagat. Ayokong malagay sa jar. I don't want to be contained. Ayoko. Iniisip ko nga, alam kaya ng mga kaluluwang ito na dito sila nakahimlay? Alam kaya nila? Hindi ko na siguro malalaman.

Paano raw ako dadalawin kung itatapon ako sa dagat? Okay na ang pagtitirik ng kandila (be mindful of colors, sabi ko. may mga sinasabi ang bawat kulay) tapos dasalan, basahan ng tula, kantahan. Ganoon ko gustong dalawin. Dasal para sa mga kasalanan ko, tula/kanta para sa ikasasaya ko. Natawa na lang ang pinsan ko. Pero baka hindi niya raw ako madalaw, mas matanda siya sa 'kin kaya baka mauna siya. Pero wala naman sa edad iyon. Sinabi ko na rin kasi hindi naman tayo nakasisigurado.